0

Kumakalat ngayon ang mga polyetong nasa larawan sa ibaba na tumutuligsa sa mga kandidatong magkakamag-anak sa Valenzuela City. Partikular na binanggit sa nasabing polyeto ang mag-asawang incumbent District 2 Congressman Magi Gunigundo at Adel Gunigundo na kandidato sa pagka-mayor ng lungsod at gayundin ang magpinsang sina Martel Soledad at 2nd District Councilor Shalani Soledad-Romulo na asawa ni Pasig City Representative Roman Romulo.

Magi Gunigundo at Shalani Soldedad
Ang nakasulat sa larawan ng polyeto sa itaas ay ang sumusunod:

"Valenzuela City Anti-Trapo , Anti-Political Dynasty Movement

Hindi Family Business ang Pulitika;
Mag-A-Asawang Kandidato, Ibasura!
       Mantakin n'yo, re-electionist congressman na si Rep. Magi Gunigundo, tapos ang misis niyang si  Adel Gunigundo ay kandidato pa sa pagka-mayor ng Valenzuela City. Gusto nilang mangyari, congressman na si mister, mayor pa si misis.
     Ganun din si 2nd Dist. Councilor Shalani Soledad na taga Pasig City na, dahil douon siya nakatira sa bahay ng mister niya sa Pasig City na si Congressman Roman Romuilo. Mantakin n'yo, re-electionist congressman na ang mister ni Shalani na si Rep. Romulo sa Pasig City, eh ang gusto pang mangyari ni Shalani ay magin congresswoman din siya ng District 2 ng Valenzuela City. Gusto nilang mangyari, congresswoman na si misis ng Valenzuela City, congressman pa si mister ng Pasig City.
      Sa napakatagal na panahon na pagiging kongresista ni Magi at pagiging konsehala ni Shalani, may natugunan ba sila sa mga pangako nila sa masa tuwing panahon ng eleksyon? Wala! May mga ginawa nga silang batas at ordinansa, pero hindi ito maramdaman at hindi nakakatulong sa masa.
      Kilatisin n'yo, may naitulong ba sa kumakalam na sikmura ng masa ang ganda ng mukha ni Shalani, pagiging showbiz personality aat pagiging ex ni Pangulong Noynoy?
      Sakaling si Shalani ang palarin, sa Pasig pa ba natin siya pupuntahan sa panahon na kailangan natin ang kanyang tulong at presensya sa Valenzuela?
      Sa bahagi ni Magi, sa loob ng 12 taon niya bilang kongresista, isinapubliko na ba niya kung saan napunta at ginamit ang milyun-milyong pisong pork barrel? Nakatugon ba sa kumakalam na sikmura ng masa ang mangilan-niglang proyekto niya na nagmula naman sa pera ng bayan., nakalagay pa ang kanyang mukha'y pangalan bilang tanda na kabilang siya sa mga epal na pulitiko.
     Katanggap-tanggap ba na tuwing panahon lang [ng] eleksyon (every 3 years) ibinababa ng mga trapo at political dynasty ang kanilang sarili sa masa para maglunsad ng medical mission, mamigay ng libreng pagkain at may picture taking pa, para manghingi ng boto at pagkatapos iboto ay muling magpapkita at maglalambing sa masa pagkalipas ng tatlong taon para manghingi na naman ng boto? 
WAKASAN NA ANG MGA TRAPO AT POLITICAL DYNASTY
    Election fever na, kaya't muling magsasalimbayan ang mga pangako ng mga traditional politician (trapo), na nagbibigay ng maling pag-asa sa mamamayan dahil ang mga pangako at plataporma nila ay pang-trapo tulad nang madalas na nating marinig tuwing eleksyon na "pabahay", "livelihood program", "trabaho", "libreng gamot", "libreng pang-ospital", at "libreng edukasyon", pero tulad nang dati ay pawang napapako ang mga pangako nilang ito kapag naluklok na sa poder.
     Wala namang pagbabagong naidudulot sa masa ang eleksyon. Nagiging oportunidad lang ito sa iilan para kumita ng konting salapi bilang mga lider-pulitiko at watchers at pagkatapos ng halalan, balik sa dating buhay-naghihikahos.
      Bakit ganito? Dahil sa bawat eleksyon ay nagpapalit-palitan lamang ang mga pulitiko sa puwesto. Magkakapartido at magkakamag-anak. Ginagawa lamang tayong tagaboto.
     Ang eleksyon ang taning sandatang ibinigay sa atin upang mamili ng mga mamumuno. Ang problema lamang, lagi tayong namimili sa pare-pareho. Walang pagpipilian. Mga pagbabagong isinisigaw ng mga trapo, pero tulad nang dati, wala namang nababago.
    Wakasan na ang maliligayang araw ng mga trapo at political dynasty."

Ayon sa ilan sa mga nakatanggap ng polyeto na syang nagpaabot ng nasabing balita sa Pinoy News Blogger team, ang grupong nagpapamahagi ng mga polyetong ito ay nagpakilala lamang umano bilang independent anti-political dynasty movement sa Valenzuela na naghahangad ng tunay na pagbabago sa kanilang lungsod sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng impormasyong makapagmumulat sa mga mamamayan ng Valenzuela. Sinabi rin umano ng naturang grupo na asahan pa ang kanilang tuloy-tuloy na kampanya laban sa political dynasty sa Valenzuela.

Post a Comment

 
Top