0
Nakapaloob sa bagong pasang batas na Cyber Crime Law na ang sinuman ay maaaring kasuhan kung ito ay may nasabing libelous sa internet.

Sa ilalim ng batas na ito, ang isang website o blog tulad ng Pinoy News Blogger ay maaaring ipasara o i-block ng Department of Justice nang walang sabi-sabi at walang court order.

Cyber Crime Law in the Philippines.
Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga pinoy na may access sa internet ay nasa 26 million at patuloy pang lumalaki bawat araw. Dito sa Pinoy News Blogger, na syang binubuo ng mga journalists sa print media, radio brodcasters, long time bloggers at internet marketers, kumbinsido kami na ang pamahalaan ay nakikita at nararamdaman na ngayon ang impact ng internet at social media sa lipunan kung kaya nais na nila itong konrtolin.

Sa tulong ng internet at social networking sites tulad ng Facebook, mas napapadali ang daloy ng impormasyon. Lubhang napakadali sa totoo lang. Ang sinumang may kabulastugang ginagawa ay mahirap nang makapagkubli at makapagtago sa mata at tenga ng internet kung saan ang pagpasa-pasa ng impormasyon ay hindi kayang hadlangan ng marahas na pwersa, impluwensya at panunuhol.

Noon, pag ang isang tao ay may hinanaing sa gobyerno at isinigaw niya ito sa kalye, kaunti lamang ang makakarinig nito. Ngayon, ang isang tao kapag nag post ng hinanaing nya sa Facebook, blogs, forums, etc. ay kayang abutin ang daang libong kapwa nya ng napakadali. Pero dahil sa Cyber Crime Law, ang kalayaang makapagpahayag sa internet (na hindi naman pagmamay-ari ninoman) ay mawawala ng ganun-ganun na lang.

Nakakalungkot dahil ang karamihan sa mga nanunungkulang mambabatas at senador sa pamahalaan ay hindi pa handa sa teknolohiyang dala ng internet. Hindi nila magagap ang kahalagahan at kadakilaan ng internet at ito ay dahil na rin siguro sa pagiging tradisyunal ng karamihan sa kanila. Kahit ang Senate President ng Pilipinas ay umamin na hindi nya naiintindihan ang internet ngunit sa kabila nito ay naipasa pa rin nila ang Cyber Crime Law sa maikling panahon lamang.

Matatandaan na nagbanta ang isang Senador Sotto na mag-ingat daw ang mga bumabatikos sa kanya sa internet pagkat may Cyber Crime Law nga daw na nakaamba. Ilang lingo lang ang lumipas at ito ay naipasang batas na nga at mismong yung Senador Sotto ang nagdagdag ng libel clause sa batas na ito.

Isang MALING hakbang ito para sa kanya sapagkat lalo lamang babaho ang pangalan nya sa lumalaking Filipino Internet community at gayun din para sa ating pangulo na syang pumirma para ang Cyber Crime Law ay tuluyang maging batas sa kabila ng kawalan ng tamang due process na dapat sana ay pinagdaanan nito bago ito maipasang ganap na batas. Mas dapat na minabuti na lamang nyang (ni Sotto) magpakumbaba sa harap ng internet community na di hamak na mas dakila kaysa sa kanya.

Sa aming analisis gamit ang data na aming nakalap sa internet, ang mga Pilipinong nag-iinternet ay biglang dadami ang bilang at hahaba ang oras ng pag-gamit ng social networking sites sa mga darating na 5 hanggang 7 taon. Ito ay dahil sa mabilis na pag-unlad ng mobile technology sa buong daigdig. Ang implikasyon nito sa pulitka sa nalalapit na hinaharap ay lubhang napakalaki.

Sa panahon ng eleksyon sa mga darating na taon, ang labanan ng propaganda ay mangyayari na sa cyberspace, sa Facebook, sa mga blogs at iba pang social networking sites. Hindi katulad ng tradisyunal na labanan ng propaganda sa mainstream media na kung saan ang may pinaka maraming pera at malakas na koneksyon at impluwensya ang nananaig, sa internet ay may mga independent na indibidwal o organisasyon na mahirap maimpluwensyahan ng salapi at koneksyon na syang tunay na nagsusulong ng kanilang genuine na paninindigan na totoong kumakatawan sa tunay na saloobin ng mga mamamayan.

Dahil dito, ang sinumang ayaw mabatikos sa internet at bumaho ang pangalan na maaaring makapagdulot ng pagkawala ng amor at tiwala sa kanila ng mahigit 26 million Filipino internet users ay talagang nanaisin na kontrolin, i-censor o supilin ang freedom of speech sa internet.

Ang listahan sa baba ay naglalaman ng mga pangalan ng mga senador na syang bumoto ng pabor para maipasa ang Cyber Crime Law na sya namang maaaring sumupil sa kalayaang magpahayag ng mga Filipino sa internet dahil sa libel clause na nakapaloob dito.

MGA SENADOR NA BUMOTO NG "YES" PABOR PARA MAIPASA ANG CYBER CRIME LAW:

Loren Legarda
Francis Escudero
Gregorio Honasan II
Aquilino “Koko” Pimentel III
Pia Cayetano
Ramon “Bong” Revilla Jr.
Jinggoy Ejercito-Estrada
Panfilo Lacson
Manuel “Lito” Lapid
Ferdinand “Bongbong” Marcos
Ralph Recto
Vicente Sotto III
Manny Villar


Kayo na po ang bahala sa kanila.

Post a Comment

 
Top