0
Walang pasok o special non-working day sa Bulacan ngayong Agosto 15, ayon kay Bulacan Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado upang bigyang daan ang paggunita sa ika-434 taong pagkakatatag ng lalawigan.

Ani Gov.Alvarado, ang nasabing anunsyo ay idineklara ni Pangulong Benigno Aquino III sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 443 na pinirmahan ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. at sang-ayon din sa isinasaad ng The New Provincial Administrative Code of Bulacan, Chapter II, Section 14, Foundation Day and Section 27, The Provincial Legal Holidays.

Samantala, pangungunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang paggunita sa Foundation Day sa pamamagitan ng isang banal na misa sa Bulacan Capitol Gymnasium na sisimulan sa ganap na ika-7:30 n.u. at susundan nang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hen. Gregorio del Pilar nina Gov.Willy Sy-Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando at ng mga miyembro Sangguniang Panlalawigan.

Dagdag pa ng punong lalawigan, “ang Bulacan ay gumanap ng mahalagang papel sa ating nakaraan at ngayon, ito ay muling nangunguna sa paguukit ng panibagong kasaysayan.”

Base sa pananaliksik ng Center for Bulacan Studies, ang Bulacan ay natatag bilang probinsya noong Agosto 15, 1578.

by Rene "Desperado" Clemente

Rene B. Clemente is also a columnist for "Aksyon Balita" and "CMT Update"

Post a Comment

 
Top